Muling pinagtibay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Labor and Welfare Bureau ng Hong Kong ang kanilang pangakong magtulungan at protektahan ang kapakanan ng bawat Pilipino sa loob at labas ng bansa.
Ito’y makaraan ang ginanap na pulong sa pagitan ng mga opisyal ng DSWD at ni Hong Kong Labor and Welfare Bureau Secretary Chris Sun sa DSWD Central Office sa Quezon City.
Inihayag ni DSWD Officer-in-Charge Eduardo Punay ang suporta nila sa pagpapaigting ng bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at Hong Kong upang matiyak na protektado at naisusulong ang mga karapatan ng mga pinoy.
Nagpasalamat din si Punay sa Hong Kong government sa medical at health assistance nito sa mga Pinoy household worker.
Samantala, nagtalaga ng isang social welfare attaché sa konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong.
Layunin nitong matiyak na magkakaroon ng access sa mga programa at serbisyo ng social welfare ang mga OFW sa nasabing bansa. – sa panulat ni Hannah Oledan