Nanindigan ang Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur Malaysia na hindi ito tumanggap ng application para sa HAJJ Passport.
Sinabi ito ng Philippine Embassy bilang paglilinaw sa isang report na ang HAJJ passports na ginamit ng ilang Indonesian at Malaysian ay inisyu umano ng Department of Foreign Affairs at ng ilang konsulado ng Pilipinas sa Malaysia.
Kaugnay nito, tiniyak ng embahada ng Pilipinas na sumusunod sila sa ligal na proseso sa pag-iisyu ng pasaporte.
Kabilang dito ang personal appearance ng aplikante, ang pag-interbyu sa mga ito, at paghingi ng ilang dokumento sa mga ito.
Aminado ang Philippine Embassy sa Malaysian na napasok na ang Pilipinas, Indonesia at Malaysia ng mga sindikatong gumagawa ng pekeng pasaporte.
Dagdag pa ng embahada, patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa DFA Office of Consular Affairs, sa Bureau of Immigration at sa iba pang law enforcement agencies upang matukoy at mahuli ang sindikatong gumagamit ng pekeng Philippine passport.
By: Avee Devierte / Allan Francisco