Umaasa ang embahada ng Pilipinas sa Mexico na walang Pilipinong nadamay sa 7.1 magnitude ng lindol na tumama sa naturang bansa.
Ayon kay Philippine Ambassador to Mexico Eduardo Jose de Vega, limitado lamang ang nakakalap nilang impormasyon dahil wala pang kuryente at patuloy pa ang rescue operations.
Halos wala pa rin anyang 100 ang bilang ng mga Pilipino na nasa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Base sa paunang impormasyon, ang estado ng Morelos sa katimugang bahagi ng Mexico ang pinakanasalanta ng lindol.
Samantala, kabilang ang Philippine Embassy sa mga gusaling napinsala ng magnitude 7.1 na lindol sa Mexico City.
Ayon kay De Vega, nagtakbuhan palabas ng embahada ang mga Pinoy na empleyado nang magbagsakan ang mga kisame at pader.
Okupado aniya ng Philippine Embassy ang dalawang palapag ng eight-story office building sa Cuauhtémoc District sa Mexico City.
Aabot na sa 140 ang nasawi sa malakas na lindol na yumanig, kanina at pinangangambahang madagdagan pa ito.
—-