Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Navy na pasabugin ang mga barko na pag-aari ng mga drug smugglers, kasama na ang mga pasahero nito na ginagamit ang karagatan sa kanilang iligal na transaksyon.
Ginawa ng pangulo ang pahayag matapos madiskrube ng mga otoridad ang pake-paketeng cocaine na palutang-lutang sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Sa campaign rally sa Malaybalay City, Bukidnon, sinabi ni Pangulong Duterte, na malaki ang kanyang paniniwala na mga mayayaman ang nasa likod ng pagpapakalat ng cocaine sa ibat ibang panig ng bansa.
Payo ng pangulo sa Philippine Navy, wag nang magsalita bagkus ibulong na lamang sa kanya sakaling mayroon nang pinasabog ang mga ito na bangka o barko na pagmamay-ari ng mga durugista.
Matatandaang kamakailan lamang, aabot sa halos 40 bricks ng mga hinihinalang cocaine ang nakuha sa baybayin ng bayan ng Burgos, sa Siargao, Caraga Region.