GAYA ng inaasahan, nanguna ang Pilipinas sa may pinakamalaking iniangat sa download speeds, sa average 5G download speeds na 9.8 beses na mas mabilis sa 4G, ayon sa Benchmarking the Global 5G Experience-November 2021 report ng Opensignal.
Sinasabing bunga ng nasabing improvement, naungusan ng bansa ang Taiwan na dating nangunguna sa global leaderboard para sa 5G vs. 4G download speed improvement.
Maliban dito, nanguna rin ang Pilipinas sa chart para sa mobile video streaming sa pamamagitan ng 5G video experience score na 34% na mas mataas gamit ang 4G.
Batay pa rin sa naturang report, nananatiling nasa rollout phase pa ang 5G sa karamihan ng global markets subalit nakapagtala na ang Pilipinas ng 5G download speed na 140.6Mbps.
Nabatid na sa ngayon, ang Globe ay mayroong mahigit 1,800 5G locations sa major at highly populated areas sa buong bansa.
Matatandaang inanunsyo ng telco na malapit nang ma-cover ng kanilang 5G cell sites ang Zamboanga at marami pang sites ang patuloy na uusbong sa mga susunod na buwan at taon.
Kasabay nito, nabatid naman na ang PLDT ay nagdaragdag din ng kanilang investments sa 5G upang mapabuti pa ang isinusulong nitong customer experience at mai-deliver ang cutting-edge services ngayong taon.
Umaasa din ang PLDT at Smart na mapalawak ang kanilang fiber network na ngayon ay nasa 395,000 kilometers sa buong bansa para suportahan ang kanilang fiber-to-the-home, LTE at 5G services.
“As we complete the build-out of our 4G network so that our coverage will be as close as possible to 100%, we are building out our 5G network as well. 5G will bring speed and capacity, not only to the individual users on the wireless platform, but also to the home,” wika ni PLDT Chairman at CEO Manuel Pangilinan.
Samantala, ipinagmalaki naman ng Opensignal ang mabilis na pag-unlad ng 5G, batay sa karanasan ng mobile users sa buong mundo.
Kaya naman, inaasahan ng Opensignal na mas magiging mahalagang parte ng buhay ang 5G sa susunod na taon, lalo na sa pakikipag-ugnayan sa essential workers, cord cutters, at upang matulungan ang lahat sa kanilang online communications sakaling magpatuloy ang krisis.