Walang ihahaing diplomatic protest ang Pilipinas sa International Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands, laban sa China taliwas sa naunang pahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Kaugnay ito sa plano ng Tsina na magtayo ng mga istruktura sa Scarborough o Panatag Shoal na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman at Assistant-Secretary Charles Jose, magpapadala lamang sila ng note verbale sa Beijing na humihiling sa Chinese government ng paglilinaw sa kanilang International Policies partikular sa maritime dispute sa West Philippine Sea.
Maaari anyang ang tinutukoy ni Aguirre ay ang “note” na ihahain ng DFA o Department of Foreign Affairs sa oras na kumpirmahin ng China na totoo ang naunang pahayag hinggil sa kanilang plano sa Panatag o Bajo De Masinloc.
Samantala, hinihintay pa rin ng Pilipinas ang tugon ng Tsina kaugnay sa plano nito sa pinag-aagawang teritoryo.
By Drew Nacino