Kumpiyansa ang Philippine Olympic Committee na makasusungkit ng medalya ang Women’s National Volleyball team sa Southeast Asian Games sa Agosto.
Ayon kay Joey Romasanta, Spokesman ng POC at dating pangulo ng larong volleyball sa Pilipinas Incorporated, isang malaking bagay para sa Philippine Volleyball Team na manalo sa SEA Games upang makaabot naman sa 2018 Asian Games.
Matagal na anyang hindi nakapapasok sa Asian Games ang Pilipinas at ito na ang tamang panahon upang muling makatapak ang mga Pinay volleyball players sa naturang sport event.
Ipinagmalaki ni Romasanta na hindi matatawaran ang husay ngayon ng mga atletang kinabibilangan nina Alyssa Valdez, Rachel Anne Daquis, Jovelyn Gonzaga, Denden Lazaro, Jia Morado at Bea de Leon.
Pangalawa lamang ang Pilipinas sa mga may pinakamaraming nasungkit na medal sa women’s volleyball ng SEA Games o 6 gold, 3 silver at 4 bronze medals habang nangunguna ang Thailand na mayroong 12 gold, 2 silver at 2 bronze.
By Drew Nacino
Photo Credit: AFP