Hinimok ng Philippine Heart Association (PHA) ang mga magulang na maging maingat pagdating sa diet at lifestyle ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagbibigay ng masustansyang baon o snack tuwing papasok.
Bunsod ito ng pagtaas ng kaso ng obesity o katabaan sa bansa.
Ayon kay PHA Bicol Chapter President at Adult Cardiologist Dr. Josephine Ricierd, dapat ding i-engganyo ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng pisikal na mga aktibidad.
Sa datos mula sa 2021 expanded national nutrition survey, aabot sa 3.9% ng mga batang wala pang limang taon at 15% ng mga edad lima hanggang sampu ay itinuturing na obese.
Tumaas din ang kaso ng obesity ng 13% sa adolescents at 36.7% sa matatanda.
Samantala, inihayag ni PHA Director at Advocacy Chair Luigi Pierre Segundo na kung walang madaliang hakbang na gagawin ang gobyerno ay maaaring nasa 30% na ng mga Pinoy ang overweight pagsapit ng taong 2030. – sa panulat ni Hannah Oledan