Iginiit ng Philippine Heart Association (PHA) na walang matibay na ebidensyang nagpapatunay na may hindi magandang epekto ang pagpapaturok ng bakuna kontra COVID-19 para sa mga may altapresyon at sakit sa puso.
Bunsod nito, hinimok ng Philippine Heart Association (PHA) ang mga mga Pilipinong may sakit sa puso at may altapresyon na magpaturok na ng bakuna kontra COVID-19 sa kabila ng mga pangambang mapanganib ang mga ito na magpabakuna laban sa respiratory illness.
Paalala ni PHA President Dr. Orly Bugarin sa mga may cardiovascular disease na nais magbakuna dapat tiyakin ng mga ito na iniinom nila ang kanilang mga gamot o maintenance.
Habang ayon naman kay Dr. Alejandro Diaz, dapat maghanda ng dalawa hanggang apat na linggo at dapat na hindi tataas sa 130/80 ang blood pressure bago magpakuna.
Dagdag ni Diaz, iwasan rin dapat uminom ng mga gamot para sa sipon at uminom ng kape sa mismong araw ng pagbabakuna dahil posible itong magpataas ng presyon.
Payo pa nito, iwasan din ang uminom ng mga pain relievers at umihi o magbanyo na agad bago magpabakuna dahil kung puno aniya ang pantog ay tataas din ang blood pressure.
Huling paalala ni Diaz para sa mga magbabakuna ay dalhin dapat ng mga ito ang kanilang maintenance medicine sa mismong araw ng vaccination.—sa panulat ni Agustina Nolasco