Pinangangambahan ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na muling maabot ng mga pribadong ospital ang full capacity nito sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo.
Ayon kay PHAP President Dr. Jose Rene De Grano, ito’y kapag nagpatuloy pa ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa oras aniya na mangyari ito, hindi rin malabo na humirit muli ng “time-out” ang mga healthcare workers sa bansa.
Kaugnay nito, umapela si De Grano sa publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19.
Sa mga nakalipas na linggo, nakapagtatala ang bansa ng halos 3,000 kaso ng COVID-19 kada araw.