Hinimok ng Private Hospitals Association Philippines Incorporated (PHAPI) ang PhilHealth na kasuhan ang mga ospital na sinasabi nitong mayroong mga pekeng claims.
Kasunod na rin ito ng imbestigasyon ng PhilHealth sa isinampa ritong 15,000 kaso ng false claim mula 2019 hanggang 2021.
Ayon kay Dr. Jose De Grano, pangulo ng PHAPI, na ang nasabing bilang ng kaso ay maliit na porsyento lamang ng may 3-milyong claims na isinasampa ng mga ospital.
Hindi aniya tamang lahatin ang mga pribadong ospital dahil apektado sa mga ganyang akusasyon ang mga tunay na ospital na wala namang ginagawang ilegal.
Sinabi ni De Grano na sa tuwing nahihirapan ang PhilHealth sa pagbabayad, pinalulutang nito ang mga umano’y pekeng claims kaya’t kung may ebidensya ang PhilHealth ay kasuhan na ang mga nasabing ospital.
Ipinabatid ni De Grano na batay sa assessmet ng PHAPI ngayong buwan, nasa mahigit P28-bilyon pa ang utang ng PhilHealth sa private hospitals at nasa 35% lamang sa halip na 60% ng claims ng mga ospital ang binabayaran ng PhilHealth sa ilalim ng debit-credit payment method.