Nakikiisa ang Private Hospitals Association of the Philippines Incorporated (PHAPI) sa apela ng Makati Medical Center (MMC) sa mga persons under investigation (PUIs) at coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients na maging responsable para hindi makahawa.
Sa gitna na rin ito nang usapin sa umano’y paglabag ni Senador Koko Pimentel sa quarantine protocol nang samahan ang buntis na asawa sa MMC at maraming nakasalamuha kahit na ito ay nasa bahay lamang dapat.
Sinabi ni Dr. Rustico Jimenez, pangulo ng PHAPI, kailangan na ring ipa-quarantine ang ilang tauhan ng ospital na na expose kay Pimentel.
Malaki aniyang dagok sa medical work force ang pagkakasakit o napipigilang mag trabaho dahil ang mga natirang medical personnel ay siyang babalikat sa mabigat na trabaho.
Kasabay nito, humingi na ng permiso ang PHAPI sa Department of Health (DOH) para payagang tumulong ang medical at nursing students o undergraduate at hindi pa nakapasa sa board dahil na rin sa kakulangan ng medical staff.
Ayon kay Jimenez, malaking tulong ang board examinees sa mga ospital para punan kahit paano ang nasa 23,000 kulang na duktor at nurse.
Pinaboran naman ito ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) na nagsabing maaaring makatulong ang board examinees basta’t nasa supervision ng mga lisensyadong duktor.