Plano ng Department of Health (DOH) na sanayin ang iba pang health professionals sa bansa para maging coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccinators para magkaroon ng sapat na tauhan oras simulan ng pamahalaan ang vaccination progam nito.
Ayon kay Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotahe, pinag-aaralan na ng ahensya kasama ang mga opisyal ng Food and Drug Administration (FDA) na maging vaccinators din ang mga lisensyadong pharmacists.
Mababatid sa ilalim ng pharmacy law, pinapayagan ng batas na magbakuna ang mga pharmacists gaya ng mga doktor at nurse.
Bukod sa mga pharmacists, pinag-aaralan na rin ng Health Department kung maaari ring magbakuna ang mga lisensyadong midwives.
Paliwanag ng DOH, kinakailangan lang ng masusing pagsasanay dito na siyang pangangasiwaan ng mga doktor.
Kaugnay nito, nakatakdang magbalangkas ng panuntunan ang FDA hinggil sa vaccination program at kung sinu-sino ang maaaring atasan na magsagawa nito.