Kasado na ang unang phase ng internet project ng Pamahalaan at META, mother company ng social media giant na Facebook, sa kalagitnaan ng susunod na taon.
Ito ang kinumpirma ni Information and Communications Technology secretary Ivan Uy matapos sumalang sa confirmation hearing ng Commission on Appointments.
Ayon kay Uy, handa na ang imprastraktura para sa nasabing internet project sa Luzon.
Saklaw anya ng unang phase ang Laoag hanggang Quezon City habang sa ikalawang phase ang Metro Manila hanggang MBicol Region na lalarga naman sa taong 2024.
Noong 2017 pa nakipag-ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas sa META, sa paglikha ng cable landing system, na target pagbutihin ang internet connectivity upang umabot hanggang 2 terabits per second ang speed sa pagkonekta sa bansa sa ibang bahagi ng Asya at US.
Sa ilalim ng kasunduan, bubuo ang META at patatakbuhin ang cable system ng cable stations sa Baler, Aurora at Poro Point sa San Fernando, La Union.