Sisimulan na sa Enero 31 ang ikalawang bahagi ng limited in-person classes sa Higher Education Institutions (HEI) sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 3.
Ito ang inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHEd) sa kabila ng tumataas na COVID-19 cases sa bansa.
Ayon sa CHEd, maaari namang simulan anumang oras ng mga HEI sa mga lugar na nasa alert level 2 ang kanilang limited in-person classes.
Gayunman, ang mga nagpaplanong magsagawa ng limited face-to-face classes kahit may COVID-19 pandemic ay dapat handa sa mga responsibilidad para sa re-opening ng kanilang campus batay sa kakayahang tumalima sa health at safety protocols.
Kailangan lamang abisuhan ng mga paaralan ang kanilang CHEd regional office sa pamamagitan ng pagsusumite ng self-assessment checklist at notaryadong affidavit of undertaking bago simulan ang klase.