Naghihintay na ang Philippine Army ng utos mula sa AFP General Headquarters kung paano ipatutupad ang desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa paghimlay sa dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Sinabi ni Philippine Army spokesman Col. Benjamin Hao na aalamin nila kung tuloy pa rin ang unang napagkasunduang plano.
Bahagi nito aniya ang pagbibigay ng military honors sa dating Pangulo at iba pang seremonya tulad nang ginawang paglilipat ng labi ng dating Pangulong Elpidio Quirino mula sa Manila South Cemetery patungong Libingan ng mga Bayan.
Makakatabi naman ng dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani sina dating Pangulong Carlos Garcia, Diosdado Macapagal at Elpidio Quirino.
Magugunitang una nang sinabi ng militar na may nakikipag ugnayan na sa pamilya Marcos nuon mula sa panig ng gobyerno para ayusin ang proseso nang paghihimlay sa dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani.
Samantala ipinabatid naman sa DWIZ ni National Defense Spokesman Arsenio Andolong na hihintayin muna nila ang official communication mula sa Korte Suprema at anuman aniya ang ipag uutos ng Korte Suprema ay kanilang susundin.
By: Judith Larino / Jonathan Andal