Palalawakin pa ng PhilHealth ang mga benepisyong pangkalusugan na ibibigay sa mga miyembro nito.
Ayon kay Dr. Israel Pargas, OIC-Vice President at Head Executive Assistant ng PhilHealth, sasagutin na rin ng PhilHealth sa hinaharap ang gastos sa pagpapa-check-up o yung mga sakit na hindi na kailangang i-confine sa ospital.
“Sa ngayon po ay malapit na nating maipatupad yung tinatawag natin na primary care benefit package, ito yung merong konsultasyon, check-up, laboratoryo, gamot na hindi ka na kailangang ma-ospital para lang makagamit ng PhilHealth, ito yung mga konsultasyon natin sa mga doktor-klinika, isa yan sa mga benepisyo na ilalabas natin at palalawakin sa ating formal sector kung saan may premium adjustment po tayo ngayon.” Ani Pargas
Kasabay nito ay idinepensa ni Pargas ang pagtaas ng PhilHealth contribution na epektibo na ngayong Enero.
Ayon kay Pargas, napakaliit lamang ng porsyentong naidagdag sa sinisingil nilang premium contribution na kailangan para mapalawak pa nila ang mga serbisyong puwedeng ibigay sa mga miyembro.
Mula sa dating 2.5 percent, magiging 2.75 percent na ng basic salary ng miyembro ang premium contribution na paghahatian pa ng empleyado at ng employer nito.
“Sa batas a maximum of 5 percent nga yan eh, pero 2.75 lang sa ngayon pero siyempre ang sabi nga ng ating mahal na kalihim, it will increase the solvency life of PhilHealth from 4 to 8.5 years, ibig sabihin masusustina natin ang lahat ng mga programa na ipinalabas na ng PhilHealth.” Pahayag ni Pargas
(Balitang Todong Lakas Interview)