Dalawang option ang inilatag ng Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kapalaran ng PhilHealth.
Sa kanilang pakikipagpulong sa pangulo kagabi, ipinabatid ni Senate President Vicente Sotto III na nais ng pangulo na buwagin na lamang o kaya naman ay isapribado ang PhilHealth.
Subalit sinabi ni Sotto na iminungkahi niya sa pangulo na bigyan muna ng ilang buwan ang bagong pinuno ng PhilHealth para linisin at ayusin ang pamamalakad sa ahensya na sinang ayunan naman aniya ng punong ehekutibo.
Ayon kay Sotto, nabanggit niya sa pangulo ang panukala niyang gawing chairman of the board ng PhilHealth ang Finance secretary sa halip na Health secretary dahil ang ahensya ay isang insurance corporation at hindi health entity o tanggapang may kinalaman sa kalusugan.
Hindi naman aniya nabanggit ng pangulo ang rekomendasyon ng senado na sibakin at kasuhan si Health Secretary Francisco Duque III bagamat nais niya itong talakayin din sana sa nasabing pulong. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno