Tiniyak ni PhilHealth President and CEO Dante Gierran na walang magiging epekto sa mandato at serbisyo ng ahensiya ang pagkakasuspendi sa walo nilang matataas na opisyal.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gierran na hindi mahahadlangan ng anumang kinahaharap na hamon ng PhilHealth ang patuloy na ibinibigay nitong serbisyo sa mga miyembro at stakeholders.
Bahagi lamang aniya ito ng mahahalagang reporma na kinakailangan para mas mapahusay pa ang serbisyo ng ahensiya tungo sa pagpapatupad ng universal health coverage sa lahat ng mga Filipino.
Dagdag ni Gierran, kinikilala ng pamunuan ng PhilHealth ang kautusan ng office of the ombudsman na isailalim sa preventive suspension ang ilan sa kanilang executive officers at personnel.
Nakahanda rin aniya silang sundin at ipatupad ang nasabing suspension order.
Gayunman, binibigyang diin ng pamunuan ng PhilHealth ang constitutional rights ng kanilang mga officers at personnel bilang inosente hangga’t hindi pa napatutunayan ng korte na nagkasala.