Nagpadala na ng opisyal na sagot si Philippine Health Insurance Corporation Officer in Charge President at CEO Celestina Maria Dela Serna sa Commission on Audit o COA.
Ito ang inihayag ni PhilHealth OIC Senior Vice President Dr. Israel Pargas kasabay ng pagtitiyak na nakahanda si Dela Cerna na sagutin ang akusasyon sa umano’y magastos na biyahe, hotel accommodation at allowances nito.
Ayon kay Pargas, bagama’t ikinadismaya ni dela cerna ang pangyayari, tiwala naman itong malulusot niya ang mga ibinabatong kontrobersiya laban sa kanya.
Una nang iginiit ni Pargas na pasok sa aprubadong pondo para sa mga biyahe ng presidente ng PhilHealth ang mga nagastos ni Dela Cerna lalo’t madalas aniya itong umuwi ng Bohol kung saan ito residente.
“Of course, she is disappointed but she’s also confident enough na kung anuman ang mga lumalabas na balita sa ngayon ay matutugunan nang maiayos, siya ay confident din na ang kanyang mga legal na basehan ay naroon para itong mga isyu ngayon ay masagot natin with the COA, right now she’s hopeful that the COA will reconsider, and reconsider those findings, hindi pa po ito notice of dis-allowance but a chance for her to explain.” Ani Pargas
Kasabay nito tiniyak ni Pargas na buo at hindi nagagalaw ang mga kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth habang patuloy aniya ang pagsusumikap ng ahensiya na magbigay ng maayos na serbisyo.
“We are now paying around 2 billion a week for benefits, paalala ko lang po sa ating mga miyembro na kami po sa PhilHealth ay patuloy na magtatrabaho at gagawin ang ating mandato na pagbibigay ng benepisyong ito.” Pahayag ni Pargas
(Ratsada Balita Interview)