Tatagal “habambuhay” ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang tiniyak ni PhilHealth Spokesperson at Vice President for Corporate Affairs Shirley Domingo, sa kabila ng naunang pahayag ng kanilang officer-in-charge na si Eli Dino Santos.
Una nang inihayag ni Santos sa House Appropriations Committee na maaaring palawigin nang lampas sa taong 2027 ang actuarial life ng nasabing state health insurer sa pamamagitan ng subsidies, maliban sa pondo mula sa PAGCOR at PCSO.
Ayon kay Domingo, mayroong reserve funds na P177 billion ang PhilHealth hanggang nitong December 31, 2021 o dalawampu’t limang porsyentong mataas kumpara noong 2020.
Ipinunto ng opisyal na ang tinatayang actuarial life ng PhilHealth na hanggang taong 2027 ay “assumptions at projections” lamang batay sa iba’t ibang scenario.
Hindi naman anya maba-bangkarote ang PhilHealth dahil mayroong national government subsidy para sa premium ng indirect contributors.
Ang subsidiya sa PhilHealth ay para sa pagbabayad sa indirect members o mga walang kakayahang magbayad ng premium, tulad ng indigent population, senior citizens at persons with disabilities.