Binalaan ng PhilHealth ang ospital at testing facilities na mananamantala sa kanilang mga miyembro na sumailalim sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) swab test.
Kasunod ito ng pagsisiwalat ni Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera Dy kaugnay ng posibleng panibagong anomalya sa PhilHealth kung saan kumukuha ng reimbursement ang mga ospital at testing centers, kahit bayad ng miyembro ang COVID-19 test.
Ayon sa PhilHealth, may mga miyembro silang libre dapat ang pagpapatest sa COVID-19 kung gagawin ito sa mga accredited laboratory at klinika alinsunod na rin sa guidelines ng Department of Health (DOH).
Sakop ng naturang benefit package ng PhilHealth ang mga indibiduwal na may sintomas; mga walang sintomas pero bumiyahe sa bansang tinamaan ng COVID-19; na-contact trace; frontliners sa quarantine facilities, swabbing center, barangay at municipal health, emergency workers; pulis at sundalong nakatalaga sa checkpoint.
Gayundin, ang mga buntis; pasyenteng sumailalim sa dialysis, chemo o radio therapy at organ transplant; mga economic frontliners o manggagawa sa parlor, barbershop, restaurant, public utility driver, palengke, bangko at mass media.