Nanindigan ang pamunuan ng Philhealth o Philippine Health Insurance Corporation na ligal ang lahat ng biyahe ng kanilang OIC o Officer-In-Charge na si Dr. Celestina Maria Jude Dela Cerna.
Ito’y makaraang lumabas ang report mula sa COA o Commission on Audit na kumukuwestyon sa ligalidad ng biyahe ni Dela Serna sa Bohol noong isang taon na nagkakahalaga ng mahigit 600,000 piso.
Ayon kay Dr. Israel Francis Pargas, acting senior vice president ng Philhealth, walang mali sa naging biyahe ni Dela Cerna sa Bohol dahil opisyal anila ang lahat ng ito at kinikilala ito ng resolusyong ipinasa ng Board of Certified Disbursements.
Dahil naninilbihan lamang bilang interim president ng philhealth si Dela Cerna, iginiit ni Dr. Pargas na hindi makatutulong para sa opisyal ang pag-upa sa isang lugar sa loob ng anim na buwan hanggang sa isang taon kung batid naman nito na aalis din siya sa puwesto anumang oras.
Nag-ugat ang naturang usapin dahil sa pag-upa ni Dela Cerna ng kaniyang matutuluyan sa Maynila para magampanan ang kaniyang tungkulin bilang pangulo ng Philhealth.
Subalit kinakailangan nitong bumalik sa Bohol para naman silipin ang dalawang ospital na nasa ilalim ng kaniyang pamamahala bilang isang doctor.
Kasunod nito, tiniyak ni Pargas sa lahat ng mga miyembro ng Philhealth na walang dapat ikabahala sa usapin at hindi nito maaapektuhan ang ibinibigay nilang serbisyo.