Tiniyak ng PhilHealth na magagawa pa rin nilang bawasan ang contribution ng mga miyembro at palawakin ang coverage nito sa susunod na taon.
Ito’y sa kabila ng zero subsidy sa ilalim ng 2025 national budget.
Ayon kay President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr., ang hangarin lamang ng PhilHealth ay ang pagpapababa sa mga kontribusyon, alinsunod sa nakabinbing panukala ng senado na naglalayong bawasan ang rate mula sa 5% hanggang 3.25%.
Kasabay nito, tiniyak ni Ledesma kay House Assistant Majority Leader Jil Bongalon na ang PhilHealth ay nananatiling nakatuon sa pagpapataas ng mga benepisyo ng programa na inaasahang maipapasa ng senado sa susunod na taon.
Matatandaang inihayag ni Speaker Martin Romualdez na sisilipin ng kamara ang sinasabing sobrang pondo ng philhealth, gayong, mataas pa rin ang contribution ng mga miyembro nito.
Gayunman, bilang tugon sa mga mambabatas , binigyang-diin ng PhilHealth na palalawakin din nila ang saklaw ng pagpapa-ospital ng mga miyembro nito na nasa 50%.
Samantala, nakatakdang isagawa ang pagdinig ng philhealth sa January 13, 2025 kasabay ng pagbabalik session ng Kongreso. – Sa panulat ni Jeraline Doinog