Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) ang iligal na pagkakaloob ng PhilHealth na P291 million na halaga ng hazard pay para sa mga empleyado nito.
Sa kanilang 2019 annual audit report hinggil sa PhilHealth ipinabatid ng COA na P236 million ang ibinigay na hazard pay sa regular employees ng ahensya at P55 million naman sa casual employees mula la 2016 hanggang 2019 kahit na paglabag ito sa Republic Act 7305 o Magna Carta for Public Health Workers bukod pa sa ibang mga panuntunan at regulasyon.
Binigyang diin ng COA na bagama’t tinutukoy sa Universal Health Care Law ang mga empleyado ng PhilHealth bilang health workers at uubrang mabigyan ng mga benepisyo at allowance kabilang ang hazard pay sa ilalim ng Magna Carta hindi ito maituturing na absolute dahil naka-depende ito sa mga mahahalagang probisyon at regulasyon.
Malinaw anito sa section 21 ng Magna Carta for Public Health Workers na obligadong mabigyan ng hazard pay ang lahat ng public health workers kung sila ay naka expose sa high risk o low risk hazards sa halos 50% ng kanilang duty depende sa pagtingin at pag apruba ng kalihim ng Department of Health o mga otorisadong kinatawan nito.