Ilalarga na ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ang pinalawak na coverage para sa COVID-19 sa gitna ng malaking gastos sa pagpapa-ospital ngayong may pandemya.
Ayon kay PHILHEALTH Spokesperson, Dr. Shirley Domingo, pinag-aralan nilang itaas ang case rate para sa COVID-19, na hanggang P786,384 base sa inilabas na case rate noong April 2020.
Sa ilalim ng PHILHEALTH circular 2020-0009, halos P44,000 ang coverage para sa mild pneumonia sa mga matatanda o may co-morbidities; 143,000 para sa mga may moderate pneumonia; 333,000 para sa severe pneumonia at mahigit P786,000 para sa critical pneumonia.
Bagaman tumanggi munang magbigay ng detalye si Domingo kung magkano pa ang utang ng PHILHEALTH sa mga ospital at healthcare center, nakapagtala na anya sila ng P36 billion sa claims.
Kahapon ay karagdagang 4,114 COVID-19 cases ang nadagdag dahilan upang sumampa na sa 1,445,832 ang kaso ng nabanggit na sakit sa buong bansa kabilang ang 49,613 active cases at 25,296 deaths habang ang nalalabi ay pawang recoveries. —sa panulat ni Drew Nacino