Tiniyak ng PhilHealth ang pagsunod sa kautusan ng korte suprema na ibalik ang P83-M na ipinamahagi ng ahensya sa kanilang mga opisyal at empleyado noong 2014 na idineklarang iligal.
Ayon kay PhilHealth Executive Vice President Eli Dino Santos, maka-aasa ang publiko na tumalima ang PhilHealth sa pasya ng Commission on Audit (COA) na i-disallow ang P83-M na educational assistance at birthday gift benefits.
Gayunman, nanindigan si Santos na walang mali o iregularidad sa mga nasabing benepisyo dahil ibinigay nila ito “in good faith” sa mga karapat-dapat na opisyal at empleyado.
Nakatitiyak din anya ang publiko, lalo ang mga PhilHealth member na sinisinop ng state insurer ang kanilang pondo at ang pagbabayad ng benefit claims ang kanilang numero unong prayoridad.
Ang disallowance mula sa COA ang naging laman ng 21 pahinang desisyon ng supreme court noong September 27 na nagbasura sa petisyon ng PhilHealth laban sa inilabas na ruling ng komisyon noong 2018.