Siniguro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa publiko na hindi makakaapekto sa operasyon nito at maging sa benepisyo ng mga miyembro ang suspensyon sa pagtataas ng premium rate at income ceiling.
Inilahad ni Emmanuel Ledesma Jr., acting President at Chief Executive Officer ng PhilHealth, na napagkasunduan sa pulong ng board of directors noong Enero akwatro, na tumalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa suspensyon ng rate increase mula 4.0% hanggang 4.5%, gayundin ang pagtaas ng income ceiling mula 80,000 pesos patungong 90,000 pesos ngayong taon.
Maglalabas naman ng hiwalay na advisory para mailahad ang guidelines sa pagpapatupad ng nasabing direktiba partikular sa mga direct contributors.
Samantala, tuloy naman ang implementasyon ng mga bagong benefit packages na magmumula sana sa premium increase, kabilang ang outpatient therapeutic care for severe acute malnutrition, outpatient package for mental health, comprehensive outpatient benefit, at iba pa.
Muli namang tiniyak ng PhilHealth na nananatiling matatag ang kanilang financial standing at kumpyansa rin ang pamunuan nito na kahit sinuspinde ang premium hike, ay higit na matutugunan nito ang mga obligasyon nito sa mga miyembro at mga katuwang na health care providers.