Nanindigan ang pamunuan ng Department Of Health (DOH) na magpapatuloy ang paghahatid serbisyo ng Philhealth sa mga miyembro nito, sa kabila ng pag-reresign at pagreretiro ng ilan nitong mga opisyal.
Ayon kay health undersecretary Maria Rosario Vergeire, makasisiguro ang taong bayan na hindi pababayaan ng pamahalaan na matigil ang serbisyo ng PhilHealth, at sinisiguro ani Vergeire na magtatalaga ang pamunuan ng PhilHealth ng mga taong pupunan ang mga nabakanteng posisyon.
Mababatid na nasa 16 na opisyal ng ahensya ang nag-apply na sa kanilang pagreretiro, habang ang higit 20 mga opisyal naman ang nagsumite ng kani-kanilang ‘courtesy resignation’ matapos na manawagan ang liderato nito na magbitiw sa kanilang mga posisyon ang may salary grade P26k pataas o higit P100k.
Kasunod nito, ayon kay Vergeire, ang pagtalima ng ilang opisyal sa panawagan ay malinaw na kooperasyon ng mga ito sa bagong pamunuan ng PhilHealth at nagpapakita ng ‘transparency’.