Muling binuksan para sa publiko ang Philippine Air Force (PAF) Museum sa Villamor Airbase matapos pansamantalang ipasara ng dalawang taon dahil sa pandemya.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng militar sa taunang Armed Forces of The Filipino People Week, gayundin ang iba pang paggunita sa buwan ng Agosto tulad ng National Heroes’ Day.
Libreng entrance naman ang ibinigay sa mga bisitang gustong makita ang display nito na nagpapakita ng kasaysayan ng military aviation sa bansa.
Kabilang sa mga exhibit ang mga larawan, dokumento, at uniporme ng mga naunang Pilipinong piloto tulad ni Local Airman Do Alfredo Carmelo at Col. Jesus Villamor.
Tampok naman sa kalapit na parke ang higit sa isang dosenang mga retiradong jet, mga propeller helicopter na ginagamit ng Air Force, kabilang ang isang dating presidential plane ng yumaong Ferdinand Marcos Sr.
Pansamantalang isasara muli ang museo ng aerospace upang makumpleto ang pagpapanumbalik at pagpapanatili ng gusali at mga display nito.
Nakatakdang muling buksan ang naturang museo ngayong Oktubre para sa Museum at Galleries Month. – sa panulat ni Hannah Oledan