Itinanggi ng Philippine Army na bahagi ng kanilang intelligence network si Col. Ferdinand Marcelino, ang nahuling miyembro ng Philippine Marines sa drug bust operations ng PNP sa Sta. Cruz Manila.
Ipinaliwanag ni Col. Benjamin Hao, Spokesman ng Philippine Army na hindi nila puwedeng bigyan ng misyon si Marcelino dahil bahagi ito ng isang hiwalay na unit ng Armed Forces.
Gayunman, kinumpirma ni Hao na matagal nang nagbibigay sa kanila ng mga impormasyon tungkol sa illegal drugs si Marcelino.
Kumbinsido si Hao na bahagi ng personal na krusada ni Marcelino ang ginagawa nitong pangangalap ng impormasyon tungkol sa mga sindikato ng droga.
Maging ang kanilang commanding general aniya na si General Eduardo Anio na classmate ni Marcelino sa PMA ay handang patunayan ang integridad ng pagkatao ni Marcelino.
Una rito, nadakip si Marcelino kasama ang isang Chinese national sa isang pinaniniwalaang drug laboratory kung saan nakumpiska rin ang may P300 milyong pisong halaga ng shabu.
“Wala naman talaga siya sa aming operations dahil hindi namin siya pupuwedeng mabigyan ng mission kasi obviously he’s a Philippine Navy officer, pero yung aming commanding general, nag-release naman siya kasama niya talaga si Col. Marcelino, nakatrabaho pa niya, and he said he can vouch for the integrity of Col. Marcelino.” Pahayag ni Hao.
No mission order
Samantala, aminado ang abogado ni Lt. Col. Ferdinand Marcelino na walang hawak na mission order ang kanyang kliyente.
Kasunod ito nang pagkakaaresto kay Marcelino ng PNP-AIDSOTF sa isang operasyon sa Sta Cruz, Maynila.
Gayunman, iginigiit ni Atty. Dennis Manalo, abogado ni Marcelino na ang pagtungo ng kanyang kliyente sa lugar ay dahil sa tip ng informant din ng PDEA na Chinese national na si Yan Yi Shou alias Randy.
Binigyang diin ni Manalo na hindi kailanman maaaring maging kasabwat ng mga drug lord si Marcelino dahil bukod sa personal advocacy nito ay dinukot pa ng mga drug lord ang anak nito.
Duda aniya siyang pinag-iinitan ang kanyang kliyente na naging kritiko ng kasalukuyang pamunuan ng PDEA na anito’y mahina ang kampanya kontra iligal na droga.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Judith Larino