Nagpakalat na ng kanilang Humanitarian and Disaster Relief Operations personnel ang Philippine Army para tumulong sa mga sinalanta ng Bagyong Agaton.
Ayon kay Army Spokesman, Col. Xerxes Trinidad, sa pangunguna ng 8th Infantry Division, tinututukan nila ang mga lugar ng Leyte at Southern Leyte na siyang nakaranas ng mga landslide dulot ng walang patid na pag-ulan.
Kabilang na aniya rito ang Baybay City kung saan may napaulat na mga nasawi at nawawala, gayundin sa bayan ng Hilongos sa Leyte maging sa Liloan, Southern Leyte.
Una nang nagpakalat ng Disaster Response teams ang Army sa Davao City at mga karatig lalawigan nito dahil din sa malakas na buhos ng ulan nuon pang isang linggo, bago maging ganap na Tropical Storm ang bagyong Agaton. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)