Handang-handa na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagbibigay ng seguridad para sa nakatakdang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa June 30.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Armand Balilo, puspusan na ang kanilang ginagawa na paghahanda para sa security operations katuwang ang PNP at AFP upang matiyak na magiging mapayapa at ligtas ang inagurasyon ni PBBM.
Dagdag ni Balilo, magpapakalat sila ng floating assets sa paligid ng National Museum maging sa Malakanyang, mayroon din silang ide-deploy na barko sa Manila bay at nakahanda ang kanilang reserved force saka-sakaling kailanganin ng PNP bilang augmentation sa kanilang civil disturbance unit.
Bukod dito, paiiralin din ang ‘no sail zone’ sa Pasig river at sa Malacañang restricted area habang sa Manila bay ay maaari namang maglayag ang mga sasakyang pandagat.
Samantala, nanawagan naman si Balilo ng kooperasyon sa publiko.