“Go signal” na lamang mula sa Malacañang ang hinihintay ng Philippine Coast Guard (PCG) para makaresponde sa ginagawang pagkamkam ng China sa Quirino Island na kilala rin sa tawag na Jackson Atoll.
Ayon kay Commander Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, wala pa kasing ibinababang kautusan ang Pangulong Benigno Aquino III kaya’t hindi sila makakilos.
Idinagdag pa ni Balilo na kaya hindi sila makaresponde ay dahil sa pangambang ma-jeopardize ang kasong inihan ng Pilipinas laban sa China sa The Hague, Netherlands.
Tiniyak ni Balilo na sakaling magbigay na ng go signal ang presidente sa pagresponde sa Quirino Island, nakahanda ang mga ipadadala nilang barko.
Sa pinakahuling ulat, mayroong 5 malalaking barko ng China ang namataang naka-istasyon sa Jackson Atoll na matagal nang fishing ground ng mga mangingisdang Pilipino sa Palawan at mga kalapit lugar.
DFA
Patuloy pa ring bineberipika ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang napaulat na sinasakop na umano ng China ang Quirino Island na bahagi ng West Philippine Sea.
Sinabi ni DFA Spokesman Assistant Secretary Charles Jose na inaantabayanan pa nila ang report na manggagaling sa kinauukulang government agency tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bago ito, iniulat ng Reuters na kumikilos na umano ang militar upang suriin at tukuyin ang nasabing pagsakop.
May natanggap na ring impormasyon si Mayor Eugenio Bito-onon Jr. ng Kalayaan Palawan na may mga mangingisdang Pinoy na itinataboy ng limang barko ng China.
By Meann Tanbio | Aya Yupangco (Patrol 5) | Allan Francisco