Nilinaw ng Philippine Coast Guard o PCG na wala silang planong kasuhan si Department of Interior and Local Government o DILG Undersecretary Martin Diño dahil sa pagsusuot ng uniporme ng Coast Guard na may ranggo pang rear admiral.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni PCG Spokesman Captain Armand Balilo na biktima lamang si Diño ng isang pekeng auxilliary group.
Ayon kay Balilo, bukas silang kunin muli bilang auxilliary member si Diño sa ilalim ng lehitimong Philippine Coast Guard Auxiliary o PCGA.
“Ang sinabi ko lang ay we deserve the right to file complaint doon sa mga mapapatunayang gumagamit ng uniporme na hindi awtorisado, kaya lang parang nakikita namin na nabiktima si Usec. Diño ng mga fake auxiliary kaya hindi namin ito tine-take against him, kundi in fact ang sabi ko nga puwede naman nating i-correct ito, pumunta siya doon sa mga tamang auxiliary organization at puwede natin siyang i-komisyon doon.” Ani Balilo
Nakahanda namang isauli ni Department of Interior and Local Government o DILG Undersecretary Martin Diño ang uniporme ng Philippine Coast Guard (PCG) at 2-star general rank na ibinigay sa kanya ng 101st Manila Yacht Club Squadron ng Philippine Coast Guard Auxilliary (PCGA).
Reaksyon ito ni Diño matapos magbanta ang Coast Guard na puwede syang kasuhan dahil sa pagsusuot ng uniporme ng rear admiral ng PCG Auxilliary.
Ayon kay Diño, nadadamay lamang siya sa away ng Manila Yacht Club Squadron sa ilalim ni Admiral Fred Villanueva at 101 PCGA ni PCGA National Director Valentine Prieto.
“Kasi ni-request nila ako na pumunta ako ng Port of Batangas para pasinayaan ang ating mga Coast Guard doon, yun lang, sumakay pa nga ako ng bangka, muntik pa nga akong malaglag sa dagat eh, ito binigyan nila ng malaking issue kaya nga iniisip ko kamukha nung Prieto ito daw ang nag-ano sa akin, ang sabi ko ‘yung problema niya kay Presidente, problema niya sa anak ko ay huwag niya na akong idamay, ‘yung away nila ni Villanueva, sila naman, kung gusto nila akong tanggalin sa Coast Guard then so be it.” Pahayag ni Diño
(Ratsada Balita Interview)