Nilinaw ng Philippine Competition Commission na wala silang balak magtakda ng cap sa bilang ng mga motorsiklo na papayagang maging motorcycle taxi.
Ito ang inihayag ng PCC sa joint hearing ng senate committee on public services at local government na tumalakay sa panukalang i-regulate at gawing legal ang motorcycles-for-hire para matiyak ang kanilang kaligtasan, maging epektibo at abot-kayang uri ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay PCC Executive Director Kenneth Tanate, malaking tulong kung mahihikayat ang mas marami pang players na pumasok sa lumalaking motorcycle taxi industry, na pakikinabangan ng mga commuter.
Sa kasalukuyan, 45,000 palang ang motorcycle for hire na bumibiyahe sa mga lansangan sa metro manila, kabilang na dito ang angkas, joyride at move it kung saan, plano ng dotr na isama ang grab.
Suportado naman ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe, ang pagsasalegal ng motorcycles-for-hire na magbibigay ng mas maraming opsyon sa mga pasahero para sa mas mabilis na paraan ng transportasyon.