Umapela si Charge D’affaires Elmer Cato sa mga pamilyang nasa Pilipinas na himukin na ang kanilang mga kaanak na nasa Libya na umuwi na sa bansa dahil sa tumitinding kaguluhan doon.
Ayon kay Cato, noong nakalipas na Martes, isang rocket ang tumama sa kanilang neighborhood sa Tripoli kung saan mahigit 200 mga Pilipino ang naninirahan at isa sa mga kababayan natin doon ang sugatan.
Araw naman ng Miyerkules, pinaputukan aniya ng mga mortar ang isang ospital habang nasa di kalayuan nito ang nasa 18 Pilipino.
Nitong nakalipas lamang Biyernes, anim na OFWs ang naipit sa gitna ng labanan sa Tripoli.
Giit ni Cato, sa kabila ng kanilang pagsisikap, bigo parin aniya silang makumbensi ang mga Pilipino sa Libya na bumalik sa Pilipinas.
Ngunit magpapatuloy parin aniya silang makikipag-ugnayan sa mga OFW na nasa Libya upang pakiusapan ang mga itong umuwi na ng bansa.
Sa ngayon 22 requests pa lamang aniya ang kanilang natatanggap, kabilang na ang pitong Pilipino na una nang nakabalik ng bansa ilang araw na ang nakalilipas.
Tinatayang aabot sa 1,000 Filipinos ang nasa capital Tripoli.