Hinimok ng pangulo ng Philippine Hospital Association (PHA) ang mga otoridad na aprubahan na ang pamamahagi ng rapid antigen test kit para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito, ayon kay Dr. Jaime Almora, ay dahil tuluy-tuloy na nao-overwhelm ang mga ospital kasunod na rin ng pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Almora na kung mabibigyan ng pagkakataon ang publiko na i-test ang kanilang mga sarili, ang mga impormasyon hinggil sa COVID-19 status nila ay maaaring magamit kung paano nila ia-isolate ang kanilang mga sarili o kaya naman ay maiwasang kumalat ang virus.
Binigyang diin ni Almora na napatunayan na rin namang epektibo at mayroong mataas na high sensitivity rate ang rapid antigen tests.
Napapamahal aniya ang COVID-19 test dahil sa manpower na nagsasagawa ng examination at ang personal protective equipment na kailangang suotin ng health workers.