Inimbitahan ni Chinese Premier Li Keqiang ang mamamahayag sa Pilipinas na magpunta sa kanilang bansa upang maging bahagi sa pagpapakalat ng gumagandang relasyon ng dalawang bansa.
Ayon kay Li, magsisilbing tulay ang Philippine media sa pagpapaabot sa buong mundo ng dalang istorya ng dalawang bansa at maging tulay sa magandang hinaharap ng relasyon nito.
Dagdag pa ni Li, magandang pagkakataon ito upang malinawan na ang mga pagdududa sa relasyon ng dalawang bansa lalo na sa usapin ng pinagaagawang isla na West Philippine Sea.
NPC: Welcome development ang alok sa Philippine media
Welcome development para sa National Press Club o NPC ang imbitasyon ng China sa Philippine media na bumisita sa kanilang bansa.
Ayon kay NPC President Paul Gutierrez, magandang pagkakataon ito upang mapalakas ang samahan ng media sa Pilipinas sa China at sa iba pang mga bansa.
Katunayan aniya, mayroong regular na imbitasyon ang NPC sa China sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs o DFA para sa China ASEAN dialogue.
Dagdag pa ni Gutierrez, malaking tulong ang paanyayang ito upang mapalalim pa ang relasyon ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng Philippine media.