NAGPASALAMAT si outgoing Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa pamunuan at mga kadete ng kaniyang Alma Mater na Philippine Military Academy o PMA.
Ito ay matapos bigyang parangal ng mga kadete ng PMA si Eleazar sa kaniyang Testimonial Parade and Review na isinagawa sa Fort Gregorio del Pilar sa Baguio City kahapon o 5 araw bago ang kaniyang pagreretiro sa Nobyembre 13.
Sa kaniyang mensahe, ipinagmalaki ni Eleazar ang PMA bilang pundasyon ng kaniyang pagiging lingkod bayan at kanlungan ng kaniyang mga pangarap at hangarin para sa bansa.
Hinimok naman ni Eleazar ang mga kadete na huwag sayangin ang pagkakataon na ibinigay ng PMA para sila’y maging epektibong pinuno sa hinaharap.
Nakatakdang magretiro sa serbisyo si Eleazar bilang ika-26 na hepe ng Pambansang Pulisya matapos ang mahigit tatlong dekadang karera bilang Pulis ng Bayan.
Nakasentro sa Intensified Cleanliness Policy ang anim na buwang pamumuno ni Eleazar sa PNP na layuning ibalik ang tiwala ng publiko sa kanilang hanay.—sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)