Kaisa ng mga lokal na pamahalaan ang mga tropa ng Naval Forces Northern Luzon ng Philippine Navy sa pagtulong sa mga apektado ng bagyong Maring sa Hilagang Luzon.
Ito’y kasunod ng isinagawa nilang search and rescue operations sa Cagayan, Benguet, Ilocos Sur at La Union na matinding sinalanta ng bagyo.
35 pamilya ang inilikas ng navy sa Brgy. Aridowen, Sta. Teresita sa Cagayan habang search and retrival naman ang ginawa sa mga biktima ng pagbaha at landslide sa Brgy. Roxas, Baguio City.
Nagkasa rin ng operasyon ang navy sa Brgy. Susoc Sur sa Luna, La Union habang maliban sa pagsagip ay nagpadala rin ng grupo ang navy para sa road clearing operation sa Brgy. Pallogan sa bayan ng Tagudin, Ilocos Sur.
Namahagi rin ng relief packs ang mga tauhan ng navy sa hiwalay na operasyon nito sa Brgy. Pudoc sa nabanggit ding lalawigan. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)