Naglabas ng hinaing ang Philippine Poultry Integrated Alliance (PPIA) sa ilang chicken traders na sinasamantala ang takot bunga ng kauna-unahang bird flu outbreak sa Pilipinas.
Ayon sa direktor ng samahan na si Peter So, ito ang dahilan kung bakit lalo pang sumasadsad ang presyuhan sa live weight ng manok.
Nabatid mula kay So na mula sa dating presyo nito na naglalaro sa pagitan ng P80 hanggang P90 kada kilo ngayon ay bumagsak pa ng P10 ang farm gate price ng manok.
Kaugnay nito, umaasa aniya sila na makakabangon ang industriya ng manukan ngayong binawi na ng Department of Agriculture (DA) ang ‘transport ban’ sa lahat ng poultry products palabas ng Luzon at papunta sa Visayas at Mindanao Regions.
Naniniwala rin ang naturang grupo na hindi na kakailanganin pang mag-import ng manok sa bansa dahil kaya namang punan ng poultry farm growers ang nasayang na produkto sanhi ng tumamang Avian Influenza Virus sa San Luis, Pampanga at sa mga bayan ng Jaen at San Isidro, Nueva Ecija.
By: Meann Tanbio
SMW: RPE