Tuloy tuloy ang pagbibigay ng ayuda ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga matinding naapektuhan ng magkakasunod na lindol sa North Cotabato.
Ayon kay PRC North Cotabato Chapter chief Joseph Fernandez, nakakalat na sa iba’t ibang evacuation centers ang kanilang mga volunteers alinsunod na rin aniya sa utos ni PRC chairman Senador Richard Gordon.
Aniya, mahigpit nilang tinutukan ang relief operations sa mga matitinding nasalanta ng magkakasunod na lindol na kinabibilangan ng lungsod ng Kidapawan at mga munisipalidad ng Makilala, M’lang, at Tulunan.
Kaugnay nito, sinabi ni Fernandez na kanila nang sinimulan ang pamamahagi ng mga beneficiary cards sa mga apektadong pamilya para matiyak ang maayos na pamamahagi ng mga tulong.
Samantala, nananawagan naman si Fernandez sa mga maaaring makapagbigay ng inuming tubig na matinding kinakailangan sa mga apektadong lugar.
Sa ngayon talaga ang kailangan namin dito ay tubig na maiinom kasi apektado na ang water system dito… Sa katunayan si chairman Sen. Richard Gordon nagpadala na rito ng water tanker at treatment facility para mabigyan ng sapat na tubig yung mga evacuation center,” —Joseph Fernandez, PRC North Cotabato, sa panayam ng DWIZ.