Maglalagay na ng “sovereign markers” ang gobyerno sa Philippine Rise
Ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, target nilang ikalat ang sampung markers sa naturang teritoryo bago ang independence day sa Hunyo 12.
Bawat marker umano ay nagkakahalaga ng 12 Milyong Piso kaya may kabuuang 120 Milyong Piso ang gagastusin na nakapaloob na sa 2018 budget ng gobyerno.
Sinabi pa ni Esperon na bukas ang gobyerno sa lahat ng mga bansang nais magsagawa ng pananaliksik sa Philippine Rise ang mahalaga lamang ay dapat itong naaayon sa patakaran ng bansa.
Sa katunayan aniya ay noon pang taong 2000 ay may mga bansa na ang nagsasagawa ng kanilang pananaliksik sa naturang territory.
Halimbawa rito ang Amerika na 13 beses nag-apply para makapagsagawa ng scientific research at pinayagan namang lahat ito.
Ang China naman ay may 18 aplikasyon ngunit dalawa lamang rito ang inaprubahang ng Inter Agency Technical Working Group.
Nagsumite din ang Japan na may siyam na aplikasyon habang apat ang sa South Korea na pawang napagbigyan lahat, hindi naman pinahintuluyan ang dalawang beses na aplikasyon para sa permit ng Germany.
Posted by: Robert Eugenio