Hinarang at binombahan ng water canon ng mga Chinese Coast Guard ang supply boat ng bansa sa bahagi ng Ayungin Shoal.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, 3 Chinese vessels ang namataan sa lugar at gumamit ng “blocked and water canon” kung saan ang mga bangka ng Pilipinas ay magdadala sana ng food supplies sa mga military personnel.
Sa pahayag ni Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr., kaniya nang naihatid kay Huang Xilian, Ambassador of China and to the Ministry of Foreign affairs sa Beijing ang galit ng bansa, pagkondena at protesta sa naganap na insidente.
Sinabi pa ni Locsin na ang ginagawa ng mga Chinese Coast Guard, ay iligal at wala silang law enforcement rights dahil nasa teritoryo umano sila ng Pilipinas.
Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group na sakop ng Pilipinas, gayundin ang exclusive economic zone at continental shelf ng bansa kung saan ang Pilipinas ay may soberanya, karapatan at hurisdiksyon sa nasabing lugar. —sa panulat ni Angelica Doctolero