Pag-aaralan pa ng PHIVOLCS ang iba pang aktibidad ng Bulkang Taal na ginagamit na batayan sa posibilidad ng pagkakaroon na ng mapanganib na pagsabog nito.
Ito ang inihayag ni PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Chief Ma. Antonia Bornas, matapos na bahagyang lumakas muli ang inilabas na mainit at kulay puting singaw ng Bulkang Taal.
Ayon kay Bornas, hindi nila masasabi kung ang muling paglakas sa ibinugang singaw ng Bulkang Taal ay nangangahulugan na ng susunod na malakas na pagsabog.
Gayundin kung paraan ito ng pag-depressurize ng bulkan at pagbababa ng tsansa ng major eruption.
Kasabay nito, iginiit ng PHIVOLCS ang pananatili ng alert level 4 sa Bulkang Taal kung saan may posibilidad pa rin ito ng pagkakaroon ng mapanganib na pagsabog sa mga susunod na oras o araw.
Binigyang diin ng ahensiya ang pagpapatupad ng total evacuation sa Taal Volcano Island at mga high risk areas na nasa loob ng 14 kilometer radius mula sa crater.
Titignan pa natin, wala pa tayong pagsukat ng ibang parameters. Inaantay pa natin ang readings natin sa sulfur dioxide ngayong umaga dahil sumigabo na naman ang usok sa bunganga ng bulkan, malamang meron tayong makukuhang reading ng SO2, nandyan na rin yung inaantay nating pagkalkula ng ground deformation mula sa ating team sa field at titignan natin kung anong mangyayari sa record ng lindol ngayong araw. So, titignan pa natin. Maari itong mabuti, maari itong masama hindi natin pwedeng sabihin na porke ngayon ay nag-steam na siya na naman ay mabuti yan kailangan natin manmanan yung bulkan kung ano ginagawa nito,” ani Bornas.