Pinabulaanan ng Philippine Institute for Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang mga kumakalat na balitang tatama na sa bansa ang The Big One o ang mapaminsalang lindol sa Hulyo 27 hanggang 29.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology ang Seismology (PHIVOLCS), mali ang inilalabas sa balita dahil walang land monitoring equipment tulad ng isinasaad sa artikulong inilabas ng source mula sa social media.
Paglilinaw pa ng PHIVOLCS, hindi nape-predict ang lindol at walang sinuman ang nakaaalam kung kailan at saan ito mangyayari.
Kaya’t panawagan ng PHIVOLCS, huwag basta-basta maniniwala sa mga lumalabas na balita hangga’t hindi mismo sa kanila nanggagaling ang impormasyon.
West at East Valley Faults
Pinag-aaralan na ng PHIVOLCS kung magkarugtong o magkaugnay ang West Valley Fault at East Valley Fault.
Ang pahayag ay ginawa ni Ishmael Narag, Officer-in-Charge ng Seismological Observation and Earthquake Prediction Division ng PHIVOLCS, matapos itong makipagpulong sa mga kinatawan ng MMDA at NCRPO hinggil sa naturang usapin.
Paliwanag ni Narag, mahalaga ang pag-aaral na ito dahil posibleng magdulot ito ng mas matagal na pagyanig sakaling gumalaw ang fault.
Ayon naman kay MMDA Chairman Francis Tolentino, handa na ang ahensya para sa isasagawang metrowide earthquake drill sa Hulyo 30.
By Jaymark Dagala | Jelbert Perdez