Pinalawig narin ng Supreme Court ang physical closure ng lahat ng korte at mga tanggapan nito sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan mula April 5, bukas, araw ng Lunes hanggang sa araw ng linggo, April 11.
Sa isang circular, ipinaliwanag ng SC na bahagi ang extended closure na ito ng isang linggong pagpapalawig ng ECQ sa NCR plus areas na kinabibilangan ng NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Bunsod nito, lahat ng mga naka-iskedyul na pagdinig sa mga korte na sakop ng ECQ extension ay mananatiling suspendido, maliban na lamang umano sa mga urgent court hearings.
Dahil sa pinalawig na pagsasara, sinabi ng SC na ang filing periods ng mga pleadings at iba pang court submissions na itinakda mula March 29 hanggang April 11, ay extended rin ng isang linggo simula sa April 12.
Samantala, inatasan naman ng kataas-taasang hukuman ang mga office heads na magpatupad ng skeletal work force upang matutukan ang mga urgent matters na nangangailangan ng agarang aksyon ng korte.