Dapat ipagpatuloy pa rin ang pagpapatupad ng ilang mga hakbang para makaiwas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) kahit pa matanggal na ang enhanced community quarantine.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire dahil maaari pa rin aniyang manumbalik ang pagkalat ng virus hangga’t wala pa ring bakuna o gamot laban dito.
Ayon kay Vergeire, maikukunsidera bilang “new normal ang pagsasagawa ng physical distancing at pag-iwas sa mga pagtitipon o matataong lugar na ilan sa mga hakbang para maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19.
Naniniwala si Vergeire na patuloy ding isasama ang mga nabanggit na precautionary measures sa mga ilalatag na kondisyon sakaling mapagpasiyahan na ang muling pagbubukas ng klase o pasok sa mga trabaho.
Sa pinakahuling tala ng DOH, mayroon nang 4,932 kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa.