Pinabulaanan ni Senadora Pia Cayetano na nag-walk out siya sa isang sesyon sa Senado nitong isang linggo habang dinirinig ang panukalang batas ni Senador Manny Pacquiao na pagbuo ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission.
Ayon kay Cayetano, nagpaalam siya kina Senate President Vicente Sotto III at Majority Leader Juan Miguel Zubiri na kailangan na niyang umalis dahil kailangan niyang asikasuhin ang isa sa panukalang batas na kaniyang isinusulong, ang POGO Bill.
Giit ng Senadora, hindi siya basta umalis at ipinagpaalam din umano ng kanyang staff sa staff ni Pacquiao na kailangan na niyang umalis at hindi siya makapagtatanong kaugnay sa panukalang batas na inihahain nito.
Subalit tila hindi tanggap ng Senador ang paliwanag ni Cayetano at iginiit na kung alam lamang niya ay madali naman aniya siyang kausap.
Kung inform lang ako madali naman ako kausap. Hindi naman ako mahirap kausap. Pero yung maghintay ka. ‘Yung tinatawag natin na courtesy lang sana e’ kung gagawin sa iyo ‘yan. Tagal tagal ibinbin tapos pag turn mo na ‘yun pala malaman mo diyan wala na ‘yung mag-interpellate sayo, naghintay ka. Parang iba pakiramdam mo,” pahayag ni Senador Manny Pacquiao.
Samantala, binigyang diin naman ni Cayetano na hindi niya intensyong makasakit ng damdamin at marunong naman aniya siyang makiramdam.